Sunday, January 31, 2021

JESUS MY LORD


 

SINO SI HESU-KRISTO?

Ito ay isang lehitimong tanong na naghihintay ng kasagutan. May sagot ang bibliya sa katanungang ito. Una, si Hesu-Kristo ay Diyos. Wika ni San Juan “Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ng Salita ay Diyos. Kasama na Siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.” Juan 1:1-3 Ang Salita (Hesu-Kristo Juan 1:14) ay Diyos at kasama sa paglikha ng lahat ng nilalang. Higit na malinaw ang wika ni San Pablo.” Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus: Na bagama’t siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang tao at namuhay na isang alipin.” Filipos 2:5-7 Ikalawa, si Hesu-Kristo ay Diyos na nagkatawang-tao (naging tao). Juan 1:14;Filipos 2:5-7 Hindi niya kailangang magkatawang-tao kung Siya ay tao lamang. Siya ay Diyos na nagkatawang-tao para a isang tiyak na layunin. Siya ay kasing-tao ninuman sa kanyang katawang-tao. Siya’y nagutom, nahirapan, nabugbog, nauhaw, nasugatan, namatay. Sabi nga “. . . Sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso Siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala.” Hebreo 4:15b Ang madalas na na pagkakamali ay ang pag-aakala na dahil si Hesu-Kristo ay tao, hindi Siya Diyos at sa iba naman na dahil Siya ay Diyos, hindi Siya tao. Ang bibliya ay ngtuturo na si Hesu-Kristo ay Diyos at tao. Ikatlo, si Hesu-Kristo ay namatay, nabuhay na muli at bumalik sa kanyang kaluwalhatian bilang Diyos. “Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.” Juan 17:5 Dito ay maliwanang na tinutukoy ni Hesus ang panahon bago pa siya pumasok sa kasaysayan ng tao o bago siya nagkatawang-tao. Ito ay pinatitibayan ni San Pedro sa kanyang pangaral sa mga Hudyo, “Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na pinatay ninyo ng inyong ipabitay sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagpanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at sa gayon sila ay patawarin.” Gawa 5:30-31 Sino si Hesu-Kristo? Siya ay Diyos na nagkatawang-tao, nabuhay bilang tao, namatay at nabuhay na muli at ngayo’s nakaluklok sa kanyang kaluwalhatian sa kanan ng Ama.

Saturday, June 28, 2008

Juan 14:1-15

Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon. At kung saan ako paroroon, ay nalalaman ninyo ang daan. Sinabi sa kaniya ni Tomas, Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon; paano ngang malalaman namin ang daan? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita. Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka't ako'y paroroon sa Ama. At ang anomang inyong hingin sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak. Kung kayo'y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin. Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.